MANILA, Philippines - Tatlong police director sa Metro Manila ang naapektuhan ng isinagawang rigodon sa PNP.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa alinsunod sa reorganisasyon at transformation program ng pambansang pulisya.
Nakatakdang manungkulan bilang bagong Manila Police District Director si Chief Supt. Rodolfo Magtibay kapalit ni Chief Supt. Roberto Rosales na hinirang na Director ng National Capital Region Police Office.
Si Rosales ay nakatakdang manungkulan ngayong araw ( Abril 1) sa gaganaping turn-over ceremony sa NCRPO.
Ito ay makaraang italaga si outgoing NCRPO Chief P/ Director Leopoldo Bataoil bilang bagong pinuno ng Northern Luzon-Directorate for Integrated Police Operations (DIPO) na sasakop sa Police Region Offices 1, 2, 3 at Cordillera.
Papalitan naman ni Chief Supt. Samuel Pagdilao Jr. bilang Northern Police District (NPD) Director si Chief Supt. Erick Javier na itinalaga bilang Director ng Eastern Mindanao-DIPO.
Hahalili naman kay Chief Supt. Magtanggol Gatdula bilang Director ng Quezon City Police District si Sr. Supt. Elmo San Diego.
Si Gatdula ay itinalagang pinuno ng bagong tatag na Directorate for Information and Communication Technology Management na ang base ay sa Camp Crame para masungkit nito ang kaniyang ikalawang estrelya.
Inihayag pa ng PNP Chief, ang panibagong paggalaw ay bunsod pa rin ng transformation program ng PNP para sa mas epektibong paglilingkod sa mamamayan sa buong bansa. (Joy Cantos)