MANILA, Philippines - Isang 30-anyos na guro ang namatay matapos magbigti sa loob ng kanyang tinutuluyang bahay, bunsod umano ng pakikipagkalas ng kanyang nobya, sa Sampaloc, Maynila kahapon ng umaga.
May ilang minuto nang walang buhay nang madiskubre ang biktimang si George Perea, isang Special Education teacher sa hindi binanggit na paaralan at residente ng Laong-laan St. Sampaloc.
Isang kapitbahay lamang ang nakakita sa nakabiting bangkay ng biktima sa isang nylon cord kaya natukoy ang pagpapakamatay nito.
Hindi naman nakapagbigay pa ng karagdagang detalye ang imbestigador dahil sa pakiusap ng kaanak na si Vicky Cuyos na huwag nang imbestigahan at ipaawtopsiya ang bangkay at huwag ding ilantad sa media.
Naniniwala si Cuyos na wala namang foul play dahil ikalawang beses na nag tangka ng pagpapakamatay ang biktima na natuluyan lamang nang iwanan ng nobya matapos ang ilang ulit na pag-aaway.
Ayon pa umano kay Cuyos, madalas nilang payuhan ang biktima na huwag na lamang makipagnobya upang huwag masaktan dahil sa depresyon kung nagkakaproblema sa relasyon. (Ludy Bermudo)