MANILA, Philippines - Natagpuang lumulutang kahapon ng umaga sa Pasig River sa Barangay Sto. Niño, Punta, Sta. Ana, Manila ang bangkay ng apat na taong gulang na paslit na si John Carl dela Cruz Vinegas na naunang napaulat na nadulas sa panghuhuli ng isdang palos hanggang mahulog at malunod sa ilog sa tapat ng Vergara Park sa Mandaluyong City kamakalawa. (Ludy Bermudo)
Bahay ng exec naabo
MANILA, Philippines - Tinatayang P2 milyong halaga ng mga ari-arian ang natupok nang masunog ang bahay ng executives ng Shell Philippines na sina Ronnie at Cynthia Sarte sa San Ville Subdivision, Culiat, Quezon City kahapon ng madaling-araw. Walang iniulat na nasugatan o nasawi sa sunog. (Danilo Garcia)
Sanglaan ninakawan
MANILA, Philippines - Natangayan ng P1.4 milyong halaga ng mga alahas ang Piamonte Pawnshop sa Barangay San Roque, Marikina City nang pasukin ito ng mga hinihinalang miyembro ng Acetylene Gang kamakalawa ng gabi. Lumilitaw na winasak ng mga suspek ang bubungan ng bahay-sanglaan para mapasok ito. (Ricky Tulipat)
Major nagmura sa sekyu
MANILA, Philippines - Isang mataas na opisyal ng Philippine Air Force na sina Major Huberto Ramos ng Leangton Garden Village, Barangay San Joaquin, Pasig City at tatlo pa niyang kasamahang sundalo ang inireklamo sa pulisya dahil sa umano’y pagmumura at panunutok nila ng baril sa dalawang guwardiya ng naturang subdivision na sina Rolando Caramihan, 35, at Albert Tugade, 30, kahapon ng madaling-araw makaraang sitahin ng mga biktima ang mga suspek sa pagpasok sa naturang lugar nang walang identification card. (Ricky Tulipat)