MANILA, Philippines - Binatikos ni Manila 3rd district Councilor at Minority Floor Leader Letlet Zarcal si Manila Mayor Alfredo Lim dahil sa pag-‘turnaround’ nito sa isyu ng Pandacan oil depot kasabay ng pagsasabing isa itong “Houdini escape” dahil sa maraming pagpuna sa muling pagpapanatili ng mga petroleum companies sa Maynila. Ayon kay Zarcal, tila naghuhugas-kamay umano si Lim sa nilikhang administrative measure na itinulak ng mga kaalyansa nitong konsehal sa pamamagitan nang pagpasa sa isang ordinansa na magpapanatili sa mapanganib na oil depot sa lungsod. Klinaro ni Zarcal na panahon ni dating Manila Mayor Lito Atienza nang aprubahan ang ordinances 8027 at 8119 na nagba-ban sa mga oil depots sa Pandacan at nag-uutos sa relokasyon ng mga ito. At sa panahong ito, sa administrasyon umano ni Lim na nagkaroon ng railroaded ng majority councilors at inamend ang naunang ordinansa para muling i-accommodate ang mga oil depot sa Maynila. Paano niya (Lim) masasabing prayoridad nya ang mga residente malapit sa oil depot samantalang mga kaalyado nya sa konseho ang nagtulak na manatili ang mga ito,” pahayag pa ni Zarcal. Ipinaalala ni Zarcal na ang paglilipat sa mga oil depot ay na-upheld ng Korte Suprema. “Ang kaligtasan ng mga mamamayan at proteksyon ng kapaligiran ang dapat na manaig at hindi ang mga makasariling layunin,” dagdag pa nito.