MANILA, Philippines - Dalawang tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang nasawi sa isang self-vehicular accident sa Nagtahan Bridge, sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi. Dead-on-the-spot si Zaldy dela Cruz, habang namatay sa pagamutan ang angkas nitong si Arnel H. Bulanday, at ang isa pang biktima na ginagamot sa De Ocampo Hospital na si Arnel Canaets, 27. Sa report ng pulisya, dakong alas-10:15, kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente sa South-bound ng Nagtahan flyover, sa Sta. Mesa. Nabatid na sakay ang tatlo sa isang Honda Wave na motorsiklong may plakang HU-1766 nang biglang tumilapon dahil sa pagewang-gewang na pagmamaneho umano ni Dela Cruz at pagbunggo nito sa rehas na bakal ng tulay. Kagyat na binawian ng buhay si Dela Cruz, ang driver ng motorsiklo habang alas-2:10 ng madaling-araw idineklarang patay si Bulanday. Batay din sa impormasyon, galing umano sa inuman ang mga biktima at posibleng hindi na nagawang mabalanse ni Dela Cruz ang pagmamaneho. Nakatalaga umano ang tatlo sa sidewalk clearing operations ng MMDA sa Maynila. (Ludy Bermudo)