MANILA, Philippines - Inaresto ang isang retired General ng Philippine Navy na sinasabing classmate ni retired PNP chief Dir. Gen. Arturo Lumibao makaraang umano’y pagmumurahin at tutukan pa nito ng baril ang isang opisyal ng Pasay City Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) dahil lamang sa simpleng away-trapiko, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Kinilala ang suspect na si Cesar Carandang, 62, ng Sommerset Building, Leveriza St., ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa reklamo ni SJO-4 Ramon Carolino, 38, residente ng Leveriza St., Pasay City, sakay siya ng kanyang scooter patungong Vito Cruz nang muntik na siyang masagi ng minamanehong itim na kotseng Galant ng suspect.
Sa halip na humingi umano ng paumanhin sa kanya ay ang retiradong heneral pa ang nagalit, sabay bunot ng baril na kalibre 9mm saka itinutok sa kanya.
Mabuti na lamang umano at naagapan ni Carolino na sunggaban ang binunot na baril ng matanda at kanya itong naagaw.
Dahil dito nahaharap sa kasong grave threat at illegal possession of firearms ang suspect dahil lumalabas na walang kaukulang lisensya ang baril na ipinantutok nito. (Rose Tamayo-Tesoro)