MANILA, Philippines - Malaking palaisipan sa mga tauhan ng pulisya ang pagkamatay ng isang 17-anyos na binatilyo na natagpuang nakabitin at walang buhay sa isang basketball court sa lungsod ng Pasig kamakalawa ng gabi.
Inaalam kung nagbigti ba o sadyang binigti ang biktima.
Ayon kay Isagani del Rosario, Asst. Ex.Officer ng Brgy. San Joaquin, wala silang nakikitang dahilan upang magpakamatay ang binatilyong si Rodnel Datu, out of school youth ng Austria Compound, sa kanilang barangay dahil sa kabila ng pagiging makulit nito ay hindi nito magagawa ang mag-isang magtali ng alambre sa basketball court kung saan ito natagpuang patay.
Maging ang nanay ng biktimang si Nida Datu, ay wala ring alam kung anong motibo ng anak para magpakamatay gayong wala naman umano itong binabanggit na anumang problema sa kanila.
Base sa ulat, ganap na alas-8 ng gabi nang matuklasan ang walang buhay na katawan ng biktima habang nakabitin gamit ang alambre sa itaas ng isang basketball court na matatagpuan sa Block 1 Austria Compound. Bago nito, kauuwi lamang umano ang biktima mula sa outing kasama ang kanyang mga kaibigan nang magpaalam ito sa kanyang nanay na magpapahangin sa basketball court.
Sinundan pa ni Aling Nida ang anak sa basketball court para matiyak na doon ito nagpunta at nang masigurong naroon ay saka nagpasya itong umalis para bumili ng sigarilyo para makipag-kwentuhan na rin dito. Ilang minuto ang lumipas pagkabalik ni Aling Nida ay laking gulat nito nang makita ang anak na nakabitin sa itaas ng basketball court at hinahabol ang hininga.
Agad namang humingi ng saklolo si Aling Nida sa kapitbahay kung saan nagawa pang maitakbo ang biktima sa Rizal Medical Center ngunit idineklara din itong patay.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad hingil sa insidente.