MANILA, Philippines - Isang internet shop na ginagamit bilang “front” ng cybersex prostitution ang sinalakay ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) kung saan naaresto ang may-ari at tatlong lalaking “chatters” sa Novaliches, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang sinasabing may-ari ng internet café na matatagpuan sa Block 12 Lot 4 Crista Verde Street, Forest Hills Subdivision, Novaliches na si John Paul Alcantara habang itinago naman ang pagkakaki lanlan ng tatlong chatters.
Nakalaya rin naman si Alcantara matapos na mag hain ito ng P200,000 piyansa sa kasong paglabag sa Human Trafficking Act.
Sinabi ni Chief Insp. Cherry Lou Donato, ng QCPD-Childrens and Womens Desk, na nadiskubre nila ang naturang cybersex den matapos na isang ginang ang lumapit sa kanila at isinumbong ang ginagawang iligal na pagtatrabaho ng kanyang pamangkin sa naturang internet café.
Ayon sa pulisya, ang mga graphic pornographic videos ay naka-display sa monitor ng mga computer ng internet café kung saan pinatatakbo nito ang website na “www.adultfriendster.com” na madalas pinapasok ng mga online clients mula sa ibang mga bansa.
Nabatid na nagpapanggap na mga babae ang mga lalaking chatters sa kanilang mga kostumer na nagbabayad sa pamamagitan ng credit card. Ang mga “pre-taped” na malalaswang eksena ng mga babae naman ang ipinapakita ng mga chatters upang maloko ang mga kostumer nila.
Ayon sa pahayag ng may-ari na dalawang linggo pa lamang siya sa operasyon ng internet café at hindi binabayaran ang mga lalaki ngunit pinapagamit lamang niya ng libre ng internet. Nabatid pa na wala ding business permit na mag-operate ang may-ari ng internet café. (Danilo Garcia)