MANILA, Philippines - Isa na namang shabu laboratory sa loob ng isang eksklusibong subdibisyon ang sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency, National Capital Region Police Office at Quezon City Police District kung saan nakumpiska ang mga kemikal at kagamitan sa paglikha ng shabu.
Sa inisyal na ulat ng PDEA, dakong alas-10 ng umaga nang salakayin ang dalalawang palapag na apartment na ginawang laboratoryo sa may #192 Calamba Street, Talayan Village, Brgy. Talayan, Quezon City.
Habang isinusulat ito, nakapagtala na ang mga nag-iimbentaryo na tauhan ng PDEA ng nasa tatlo hanggang limang kilo ng finished product na shabu, liquid methamphetamine, mga precursors at iba’t ibang equipments. Posible umanong aabot sa P40 milyon ang nakumpiskang mga “finished product” sa naturang laboratoryo.
Wala namang naaresto sa naturang pagsalakay kung saan maaaring nilisan ito ng sindikato matapos ang sunud-sunod na atake sa mga shabu laboratory sa Cainta, Rizal; Binondo, Maynila; at Navotas City.
Nabatid kay NCRPO chief, Director Leopoldo Bataoil na natuklasan nila ang naturang panibagong shabu lab matapos na ituro mismo ng Taiwanese chemist na si Cai Xihe na una nang naaresto ng mga awtoridad sa isa pang shabu lab sa Cainta, Rizal na una nang sinalakay nitong nakaraang Marso 20. Idinagdag pa ng opisyal na malaking papel ang ginagampanan ni Cai sa operasyon ng mga shabu lab sa bansa dahil sa ito ang umiikot upang inspeksyunin ang kalidad ng iligal na droga na kanilang nililikha.