MANILA, Philippines - Inaresto at ikinulong kahapon ng pulisya ang isang ginang at ang kinakasama nitong lalake makaraang pagmalupitan nila at mabuhusan niya ng kumukulong tubig ang kanyang limang taong gulang na anak na lalake sa Parañaque City.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Marian Ostinado, 28-anyos, at live-in partner nitong si Allan dela Cruz, kapwa residente ng 59 Sampaguita St., Purok 1, Clinic Ville, B.F. Homes, sa nabanggit na lunsod.
Ilang kapitbahay ang nagsumbong sa pulisya hinggil sa kalupitan ng mga suspek sa biktimang itinago sa alyas na Alvin na ang pinakahuling insidente ay ang pagbuhos sa bata ng kumukulong tubig noong Marso 16.
Natuklasan ang pagmamalupit sa bata nang dumalo sa isang kasalan ang mag-live-in sa Ubando, Bulacan at iniwan nila ang biktima sa kanilang kapitbahay na sina Emily at Sonny. Habang pinapaliguan at nang buhusan na ni Emily ng malamig na tubig ang bata ay bigla itong bumunghalit ng iyak. Iyon pala ay bunga ng hapdi sa magang-maga pa nitong nalapnos na hita.
Nang usisain ang bata, ipinagtapat nito na binuhusan siya ng kumukulong tubig ng kanyang ina sa loob ng kanilang bahay at pinagmamalupitan rin maging ng kinakasama nito.
Napag-alaman na ang tunay na ama ng bata ay nakakulong dahil sa pagkakasangkot sa isang krimen hanggang sa makisama ang ina nito sa amain.
Mula nang magsama sina Ostinado at De La Cruz ay lagi umanong pinagmamalupitan ng mga suspek ang biktima.
Inamin naman ni Ostinado na nabigla lamang siya nang buhusan niya ng kumukulong tubig ang kanyang anak dahil sa nakukulitan siya rito. Hindi naman pinakinggan ng awtoridad ang alibi ng ginang at sa halip ay tuluyan silang ikinulong ng kanyang ka-live-in at kapwa sinampahan ng kasong paglabag sa Child Abuse Law. (Rose Tamayo-Tesoro)