MANILA, Philippines - Bumigay na kahapon si Dept. of Public Works and Highway (DPWH) Undersecretary Ramon Aquino makaraan ang walong araw na pakikipaglaban kay kamatayan sa Manila Doctor’s, sa U.N. Avenue. Ermita, Maynila.
Kinumpirma ito ka hapon ni Supt. Rogelio Rosales, hepe ng Manila Police District-Station 5, ang tumatayong tagapagsalita ng binuong Special Task Force Aquino.
Dakong alas-3:58 ng hapon nang ideklarang patay si Aquino nina Dr. Camilo Roa at Dr. Dante Morales, kapwa attending physician ng Manila Doctor’s Hospital bunga umano ng multiple organ failure.
Marami pa umanong naging kumplikasyon ang sakit sa katawan ni Aquino mula nang ito ay tambangan noong Marso 11, 2009, alas-3:15 ng hapon sa gate ng DPWH sa Bonifacio Drive.
Nadamay sa pananambang ang close aide na si Antonio Canaleta at driver na si Victor Salonga, na nadaplisan lamang ng bala sa mukha at kamay, na ginagamot din sa nasabing ospital.
Bukod sa apat na lalaking tumakas sakay ng motorsiklo, isang babaeng suspek na nagsilbing look-out din ang pinaghahanap ng Task Force Aquino. (Ludy Bermudo)