MANILA, Philippines - Malabo pa umanong mapalaya si convicted murderer Rolito Go gaya ng pagpapalaya kamakalawa ng umaga kay dating Zamboanga del Norte Cong. Romeo Jalosjos mula sa New Bilibid Prisons (NBP) ng Muntinlupa City.
Ito ay matapos kumpirmahin ni Bureau of Correction (BuCor) Director Oscar Calderon na kailangan pa umanong bunuin ni Go ang 11-taon sa nalalabing sentensiya nito sa loob ng bilangguan kahit pa man nailipat na ito sa minimum compound mula sa maximum security compound ng NBP.
Ayon kay Calderon, mahaba-haba pa ang mga taon na bubunuin ni Go kung kaya’t malabo itong sumunod kay Jalosjos. Kasabay nito, nilinaw rin ng BuCor na walang special treatment sa pagpapalaya kay Jalosjos dahil umaabot na umano sa mahigit 420 na bilanggo ang napalaya simula noong Enero 1.
Inihayag pa ni Calderon na ang trabaho lamang nila ay matiyak na napagsilbihan at nakumpleto na ni Jalosjos ang kanyang sentensiya sa loob ng kulungan at kung may bumabatikos na kulang pa ang kanyang sentensiya ay nararapat sana na isinagawa ito noong nagsasagawa pa ng pagdinig ang Board of Pardon and Parole upang madagdagan at matuwid ito.
Iginiit pa ni Calderon na noong nasa loob pa ng kulungan si Jalosjos ay magandang pag-uugali umano ang ipinakita nito dahil maraming bilanggo ang kanyang tinulungan, kung kaya’t nabawasan ang haba ng kanyang sentensiya.
Giit pa ni Calderon na wala na umanong makapipigil pa sa paglaya ni Jalosjos dahil kumpleto na ang mga dokumento para sa paglaya ng naturang convicted rapist.