MANILA, Philippines - Kinondena ng minority councilors ng Maynila ang pagsusulong na muling mabuksan ang Pandacan oil depot.
Sa pamamagitan ng isang ordinansa inihain ni 1st district Councilor Arlene Koa, na sinasabing ally ni Mayor Alfredo Lim, hinihiling nito ang pag-amend sa City Ordinances 8027 at 8119 para sa pagpapanatili pa sa mga oil depot sa Pandacan, Maynila.
Ayon kina Councilors Joy Dawis-Asuncion at Bonjay Isip-Garcia, hindi nila malaman kung bakit kailangan i-repeal ng city government ang mga nauna nang ordinansa ukol dito na nagpo-protekta sa buhay ng mga Manileños.
Ito ay sa kabila na sumusunod na sa kasalukuyan sa mga rekwisitos ang “big- three” oil companies patungkol sa City Ordinance 8027 at 8119, para sa kanilang relocation at operations transfer.
Ang pagpapatuloy umano ng operasyon ng mga ito sa Pandacan ay magdadala ng panganib hindi lamang sa buhay ng mga Manileño kundi maging sa national security.
Bunsod nito’y nangako si Isip-Garcia, principal author ng Ordinance 8119, na haharangin ang panukalang ordinansa ni Councilor Koa.
Iginiit din ng mga nasabing konsehal na hindi na maaari pang buhayin ang nasabing ordinansa dahil ito ay una ng tinuldukan ng Korte Suprema nang magpalabas ito ng desisyon na nag-aatas na isara ang naturang depot.