MANILA, Philippines - Tahasang sinabi kamakailan ni Deputy Mayor at Personnel Division Chief Joey Silva na hindi lamang para sa mga sindikato o mga kriminal ang ikinakabit na mga closed circuit television kundi para din sa kilos at galaw ng mga empleyado ng Manila City Hall.
Ayon kay Silva, layunin ng CCTV na mapigil ang anumang ilegal na transaksiyon, mga katiwalian at makilala ang mga empleyado na tamad pumasok at mga walang ginagawa sa kani-kanilang departamento.
“Kahit na wala ang mga hepe, makikita pa din ang kilos ng mga empleyado sa pamamagitan ng naka-program na monitor,” ayon kay Silva.
Gayundin, sinabi ni Silva na maglalagay sila ng bundy clock sa bawat opisina para makita kung pumapasok talaga ang mga empleyado.
Nauna dito, nabatid na ipatutupad ang walang break time na transaksion sa Manila City Hall para maiwasan ang paghihintay nang matagal ng publiko. (Doris M. Franche)