MANILA, Philippines - Nasawi ang isang mister makaraang hindi nito nakayanan ang sobrang init ng panahon, unti-unting nanghina hanggang sa ito ay tuluyang malagutan ng hininga sa isang garahe kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Nakasubsob pa ang mukha nang madiskubre ang bangkay ni Macario Cabudsman Jr., 32, may-asawa, at naninirahan sa 12 Rosal St, Clinic Site, BF Homes, Parañaque City.
Ayon kay PO3 Ariel Gupana, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-7:30 ng umaga sa isang garahe sa 13 Naples St., BF Homes, Thai Village ng Bgy. CAA, Las Piñas City.
Isang Lorenzo Cruz, 27, maintenance worker ng ginagawang bahay ni Perfecto Diaz, 49, isang fashion designer, ang naka-diskubre sa bangkay ng biktima.
Ayon sa pahayag ni Cruz sa pulisya, nakita niya ang bangkay ng biktima na na kahandusay sa isang sulok ng garahe kung saan hinihinalang kamamatay lamang nito.
Ayon naman kay Gng. Herminia, ina ng biktima, nitong tag-init ay madalas na idaing ng kanyang anak ang paninikip ng dibdib, nahihirapan uma no ito sa paghinga at bukod dito ay may sakit pa ito sa thyroid.
Naniniwala naman ang ginang na may kinalaman sa sobrang init ng panahon ang pagkamatay ng kaniyang anak kung saan ay unti-unting bumigay ang katawan ng huli dahil sa paninikip ng dibdib. (Rose Tamayo-Tesoro)