MANILA, Philippines - Matapos na maipasa ang City Ordinance laban sa mga internet shop, maghihigpit na ang city government at babawalan na ang mga menor-de-edad na pumasok sa mga internet shop kasabay ang pagbabawal sa 24 oras na operation ng mga ito.
Ito ang nakasaad sa City Ordinance No. 8168 ng Manila City Council na isinulong nina District Councilor Atty. Joel Chua, Dist. 4 Councilors Honey Lacuna-Pangan at Vic Melendres. Layunin ng nasabing ordinansa na bigyan ng specific working hours at gayundin ng takdang distansya ang mga nag-ooperate ng mga internet shop sa Maynila. Dagdag pa rito ay hindi rin dapat na lagyan ng dibisyon o partisyon ang lahat ng mga internet shop upang maiwasan ang mga kalaswaan sa loob nito.
Sinabi naman ni City Administrator Jesus Mari P. Marzan na napapanahon ang pagsasa-ordinansa ng regulasyon ng mga internet shop dahil na rin sa lumalalang kaso ng cybersex sa mga kabataan.
Binanggit din ni Marzan na maliban sa mga konsehal at sa mga opisyal ng pamahalaan ay dapat na katuwang din aniya ang mga magulang upang disiplinahin ang kanilang anak lalo na sa paggamit ng computer. (Doris Franche)