MANILA, Philippines - Wakwak ang tiyan ng isang 29-anyos na security guard matapos saksakin habang nagsasayaw ng isang kainuman, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila. Binawian ng buhay sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Joseph Fuentes, alyas “Erap”, ng Gate 20, Area-H, Parola Compound, Tondo, bunga ng tinamong saksak sa tiyan.
Isang alyas “Ditoy Quling”, ang sinasabing pumaslang sa biktima at mabilis tumakas matapos ang isinagawang krimen. Sa ulat ng pulisya, dakong alas-9 ng gabi nang maganap ang insidente sa may Gate 20, Area-H, Parola Compound.
Nabatid na nakipag-inuman ang biktima, na umano’y off-duty kasama ang mga kaibigan. Nang magpasimula umanong sumayaw ang biktima ay nagsunuran namang nagsayawan ang iba pang kainuman nang bigla na lamang lapitan umano ng suspect at walang sabi-sabing sanaksak sa tiyan.
Hindi pa matukoy ng pulisya kung may iba pang motibo maliban sa posibleng pagkaasar ng suspect sa pagsasayaw nito. (Ludy Bermudo)