MANILA, Philippines - Sa kabila ng siksikang mga bilanggo, handa pa rin umano ang Quezon City Jail na tanggapin sina ret. Gen. Carlos Garcia at pamilya nito sa naturang kulungan sa oras na mapabalik na ang mga ito sa bansa.
Sinabi ni Interior Undersecretary for Public Safety Marius Corpus na may espasyo pa rin na ilalaan sa pamilya Garcia kung saan isasama ang mga ito sa selda ng mga bilanggo na medyo matitino at walang mga tattoo.
Inihayag ito ni Corpus dahil sa karaniwan umanong ipinapadala sa QCJ ang mga akusado na nahaharap sa kaso sa Sandiganbayan. Maaari lamang umanong maiwasan na madala sa QCJ ang pamilya Garcia kung magsusumite ang mga ito ng mosyon para mailipat sila sa ibang pasilidad habang dinidinig ang kanilang kaso sa korte.
Kabilang sa maaaring hilingin ng pamilya Garcia na paglilipatan sa kanila ang PNP Custodial Center sa loob ng Campo Crame o sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Nabatid na inaresto sa Estados Unidos ang asawa ni Garcia, dating pinuno ng Comptrollership ng Armed Forces of the Philippines, na si Clarita at mga anak na sina Timothy, Ian Carl at Juan Paolo. Inaresto sina Clarita at Timothy dahil sa kasong “plunder” habang dinakip naman sina Ian Carl at Juan Paolo dahil sa “bulk smuggling” ng US dollars.
Tiniyak naman ni Corpus na walang ibibigay na “special treatment” sa pamilya Garcia sa oras na mapadala ang mga ito sa QCJ. (Danilo Garcia)