MANILA, Philippines - Dumulog kahapon sa tanggapan ng Manila Police District Press Office ang isang 38-anyos na ginang hinggil sa pagkawala ng kaniyang anak na unang inaresto dahil sa pagsinghot ng rugby sa Barangay 698, Zone 76, Remedios St., Ermita, Maynila, kahapon ng hapon.
Ang 18-anyos na sinasabing rugby boy ay dinampot ng isang barangay tanod na nakilala lamang sa alyas na “Allan” at ilang pulis na nakasuot ng sibilyan.
“Pinagtulungan nilang bugbugin ang anak ko, tapos hindi ko malaman kung na saan na siya ngayon, wala siya sa presinto at sa barangay,” ayon sa reklamo ni Gng. Mercy Pulido, walang permanenteng tirahan.
Sa salaysay ng ginang, bandang tanghali nang makita niya na sinasaktan ang biktima ng ilang tanod sa nasabing barangay at ilang pulis diumano na hindi naman nakasuot ng uniporme.
Nilapitan niya umano ito ng sinasaktan at sa aktong susuntukin ni Allan ang tinedyer ay itinulak niya kaya siya ang natamaan sa mukha.
Sinabihan pa umano ang ginang na “Gusto mo patayin ko ito!” ng isang pulis at ng tanod na si Allan dahil gumanti ng suntok si Ronnie sa tanod dahil ang ina niya ang tinamaan ng suntok na para sa kaniya.
Nagpa-medical umano si Mercy sa Ospital ng Maynila upang ireklamo ang panununtok sa kaniya subalit pagbalik niya ay saka umano inaresto ng mga barangay tanod at pulis.
Nakaposas na ang kanyang anak nang hampasin pa sa ulo at sinundot pa ng batuta sa tiyan at pinalo pa bago binitbit sa presinto.
Nang sundan niya sa presinto ang anak ay hindi ito matagpuan sa MPD-station-5 at hindi niya rin natagpuan sa barangay hall.
Nagpasaklolo sa media dahil sa takot na ma-salvage ang kaniyang anak ng mga galit na tanod at pulis.
Nang beripikahin ng media sa MPD-Station 5, wala umanong hinuling Ronnie Pulido sa ganoong lugar at posibleng hindi umano doon dinala ang nasabing rugby boy. (Ludy Bermudo)