MANILA, Philippines - Maglalagay na ng 50-piraso ng Close Circuit Television Cameras (CCTV) ang lungsod ng Quezon sa ilang pangunahing lansangan na madalas pangyarihan ng mga krimen.
Sa report ni Quezon City Police District Director P/CSupt. Magtanggol Gatdula kay Mayor Feliciano “Sonny” Belmonte, sa ngayon ay 15 CCTVs na sa ilang bangko at business establishment sa Cubao, Timog Avenue at T. Morato ang naikabit nila dahil dito madalas magkaroon ng krimen.
Kasabay nito, sinabi ni QC-Business Permit and Licensing Office head Pacifico Maghacot na 2 sa 95 bangko lang ang di pa tumutupad sa kautusan ng paglalagay ng sariling CCTV.
Sa ganitong paraan ay maiiwasan umano ang paglaganap ng krimen at sa katunayan bumaba ng 21.81 % ang krimen sa lungsod sa buwan ng Pebrero.
Ang CCTV ay nagsisilbing pantaboy umano sa mga kriminal.
Naghahanda na rin ang mga tauhan ng QCPD para sa darating na graduation day ng iba’t-ibang unibersidad at kolehiyo upang matiyak ang seguridad sa mga ito.