MANILA, Philippines - Dahil sa robbery extortion at iba pang kasong kinasasangkutan bunga ng umano’y pangingikil sa isang Korean national, sinibak kahapon sa pwesto ang isang mataas na opisyal ng Pasay City Police kasabay ng pagsasampa dito ng kasong administratibo.
Nabatid na dahil sa mga kasong illegal arrest, arbitrary detention, at robbery-extortion, sinibak na sa pwesto ni SPD Director Sr. Supt. Jaime Calunsod si Supt. Eduardo Untalan, deputy chief for administration ng Pasay City Police.
Napag-alaman na nag-ugat ang pagkakasibak kay Untalan matapos na sampahan ito ng kaukulang reklamo ng Korean Embassy sa umano’y iligal na pag-aresto at sa pangingikil nito sa isang Korean national na kinilala sa pangalang Kim Il Sun noong nakalipas na linggo sa Pasay City.
Nabatid na mismong si Calunsod ang nag-utos sa pagsibak kay Untalan matapos mapatunayan ang reklamo na umano’y inaresto ng grupo ng naturang opisyal ang dayuhan at ilang oras na ipiniit hanggang sa umano’y mapilitan ang huli na maglabas ng tinatayang P100,000 kapalit ng kalayaan nito.
Nilinaw naman ni Calunsod na “administrative relief” ang ipinataw niya kay Untalan upang masigurong hindi nito maiimpluwensiyahan ang isasagawang imbestigasyon sa insidente.
Bunga nito, nagbabala naman si Calunsod sa mga pulis sa kanyang kinasasakupan na tumino dahil hindi aniya siya mangingiming sibakin sa pwesto ang sinumang masasangkot sa katiwalian gaya ng ginawa niya kay Untalan. (Rose Tamayo-Tesoro)