Grenade explosion: 1 sugatan

MANILA, Philippines - Sugatan ang isang babae nang hagisan ng granada ng hindi pa nakikilalang lalaki ang car showroom ng Hyun­dai dahilan upang mag­kabasag-basag ang salamin nito, kama­kalawa ng gabi sa Global City, Fort Bonifacio, Taguig City.

Batay sa ulat, da­kong alas-7:15 ng gabi nang bulabugin nang napakalakas na pagsa­bog ang katahimikan sa labas ng Hyundai Global City Hub na mata­tag­puan sa 5th Avenue corner 28th St., na­banggit na lungsod.

Bunga nito, tina­maan ng shrapnels sa kaliwang binti ang bystander na si Jane Pan­soy, 22, housemaid, ng 22 F., One Mckinley Place ng The Fort, Ta­guig City.

Nadamay naman ang right front side passenger window ng To­yota Vios na may pla­kang ZMY-282 na mi­namaneho ni Amelita Alba, 25 ng 31 Catleya St. Valle Verde II, Pasig City.

Napag-alaman kay Sr. Supt. Camilo Casco­lan, hepe ng Taguig Police na posibleng M20 fragmentation granade ang inihagis ng suspect sa harapan ng car showroom o ‘casa’ ng Hyundai, base na rin sa mga nakuhang pira-pirasong bakal at safety pin sa pinangyarihan ng insidente.Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang isa sa may-ari ng Hyundai kung may kaugnayan sa negosyo ang motibo nang pagpapasabog.

Tiniyak naman ng pulisya na makatutu­long sa kanilang imbes­tigasyon ang close circuit television na nasa labas ng casa kung saan nakita dito ang isang lalaki na umaali­gid bago narinig ang malakas na pagsa­bog bago tumakas lulan ng isang motorsiklo. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments