MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang tatlo sa limang katao na sinasabing miyembro ng kilabot na “Akyat-Bahay Gang” na itinuturong responsable umano sa pagpaslang sa isang 23-anyos na registered nurse sa loob ng tinutuluyan nitong condominium unit sa Sta. Cruz, Maynila noong Pebrero 24.
Ang mga naaresto ay nakilalang sina Roy (di tunay na pangalan), 16, umano’y mastermind ng krimen, at residente ng Marilao, Bulacan; tatay ni Roy na si Joseph Saquito, 39, at si Edmund Gameng, 29, residente ng Maria Clara St., Sampaloc, Maynila.
Ang tatlo ay kapwa nakapiit na ngayon sa tanggapan ng Manila City Hall-District Special Police Unit (DSPU).
Nabatid na sa kabila ng kanyang pagiging menor-de-edad, si Roy ang itinuturong siyang bumaril sa ulo sa biktimang si Rosalie Turcolas sa loob mismo ng residente nito sa Unit 40-D Nisus Building, A.H. Lacson Avenue, Sta. Cruz, Maynila.
Ito ay dahil kay Roy umano narekober ang baril na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay kay Turcolas.
Si Gameng naman ang itinuturong siyang nagmaneho ng tricycle na ginamit ng mga suspek sa pagtakas matapos ang krimen habang si Joseph ay inaresto matapos umanong makuha sa kanya ang isa pang baril at inamin naman ni Roy na ninakaw umano niya sa isang pulis-Quezon City sa isang operasyon na isinagawa nila.
Nabatid na patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang dalawa pang suspek sa krimen na nakilalang sina Ronnie Tehan, alyas “kambal”,
at isang alyas Chino, 40, na residente naman ng Blumentritt, sa Sta. Cruz, Maynila.
Base sa ulat ng pulisya , ang mga suspek ay magkakasunod na nadakip sa isang follow-up operation na isinagawa nang pinagsanib na pwersa ng DSPU, Homicide at Criminal Investigation Division Unit (CIDU) ng MPD mula 7:00 ng gabi kamakalawa hanggang alas-5 ng madaling-araw kahapon sa Marilao, Bulacan.
Lumilitaw na inamin umano ni Roy na siya ang pumasok sa condominium ng biktima kasama si Tehan, sa pamamagitan nang pagdaan sa bintana.
Ayon pa kay Roy, sa kanya ang baril na ginamit sa pagpatay ngunit si Tehan umano ang gumahasa at bumaril sa biktima.
“Akin po yong baril, ni-rape ni Kambal (Tehan) ‘yung babae tapos ako ang nagbaba sa lap top. Hindi ako ang bumaril, si Kambal,” ayon kay Roy.
Sa kabila naman nang pahayag ni Roy, sinabi ni MPD-Homicide chief, P/Chief Insp. Alberto Peco na si Roy ang itinuturing nilang bumaril sa biktima dahil sa kaniya nakuha ang baril na posibleng ginamit sa krimen.
Ayon kay Peco, bagamat si Roy ang pinakabata sa lahat, ay posibleng siya umano ang mastermind ng krimen dahil buo umano ang loob nito at sanay sa ganitong uri ng trabaho.
Bilang patunay umano, matapos na patayin si Turcolas ay may isa pang bahay sa Quezon City ang pinasok ng grupo nito.
Lumilitaw rin na sa kabila ng murang edad at taas na wala pang limang talampakan ay sangkot na rin si Roy sa serye ng holdapan at nakawan sa ilang lugar sa Maynila. Sinasabi pang lango umano sa valium si Roy nang pasukin nila ni Tehan ang kuwarto ng biktima, na noon ay natutulog. Hindi pa umano nasiyahan ang mga suspek sa nakuhang gamit ng biktima kaya’t ginising nila ito sa pag-aakalang may makukuha pa sila ditong pera at nang pumalag umano ang biktima ay saka ito binaril ng mga suspek.