Pinaniniwalaang matinding depresyon sa pagkamatay ng kanyang ama ang nagtulak sa isang sundalo matapos itong mag-amok at mamaril na ikinasawi ng tatlo nitong superior habang isa pang opisyal ang nasugatan sa loob ng kanilang barracks sa Philippine Army Headquarters, Fort Bonifacio, Taguig City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Army Spokesman Lt. Col. Romeo Braw ner Jr., ang pinaghahanap na gunman na si Sgt. Elias Tial na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Naganap ang insidente dakong alas-9:55 kamakalawa ng gabi nang bigla na lamang maburyong at mag-amok si Tial na armado ng M16 rifles. Walang pakundangan itong nagpaputok ng armalite sa barracks ng 12th Special Forces Company (SFC) sa ikatlong palapag ng transient quarters sa Fort Bonifacio ang kanyang mga superior.
Sa panayam sa ilang opisyal , kinilala ng mga ito ang mga nasawi na sina 1st Lt. Gerald Fuentes, Team Leader ng suspect at Master Sergeant Eliseo de la Cruz; kapwa dead-on-arrival sa Fort Bonifacio Hospital.
Sa pinakahuling ulat, sinabi ni Brawner na ‘stable’ na si Capt. Benito Ramos Jr., Commanding Officer ni Tial, habang binawian naman ng buhay dakong alas-11:55 ng umaga kahapon si Capt. Dionico Aragon Jr., Executive Officer; habang nilalapatan ng lunas sa Makati Medical Center.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Brawner na kasalukuyang nagpupulong ang mga officer ni Tial nang bigla itong galit na dumating at kinuha ang kanyang M16 rifle subali’t sa halip na dumiretso sa outpost na binabantayan ay nagtungo ito sa quarters at walang sabi-sabing pinaputukan ang nasorpresa nitong mga superior.
“Accordingly, Tial posted as a guard that night and went to the area where his superiors were having a meeting when he openly fired at them,” ani Brawner kung saan agad na tumakas si Tial na nagawa namang makuha ni Staff Sgt. Rolly Miranda ang baril nito pero nabigong maaresto dahil sa inuna ang mga sugatan nilang kasamahan.
Bago ito, ayon kay Brawner, nagpapaalam si Tial sa kanyang Commander na magbabakasyon muna para dumalo sa libing ng kanyang ama na namatay noong Pebrero 21 sa Iloilo.
Ayon kay Brawner, hindi nila suka’t akalain ang marahas na aksyon ni Tial na kung tutuusin ay pinahintulutan namang makapagbakasyon kahit na noong isang buwan ay nag-leave na ito matapos na dumalo sa libing ng kanyang tiyuhin sa nasabi ring lalawigan.
Sa pahayag ng mga kasamahang sundalo ni Tial, sinabi nito na masyado umanong nagmamadali ang suspect at hindi na mahintay na mag-file pa ng leave dahil gusto na nitong sumibat na kaagad patungong Iloilo sa labis na pagdadalamhati.