Dalawang pulis ang nasawi at malubha namang nasugatan ang isang tsuper matapos na pagbabarilin ng isang inarestong sundalo makaraang rumesponde ang mga alagad ng batas sa paghingi ng saklolo ng kinakasamang babae na binubugbog ng suspek kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Si PO1 Victor Mondejar, 27, ay nasawi sa mismong lugar ng pinangyarihan ng insidente, habang si PO3 Joel Belarmino, 46, ay namatay sa Manila Central University Hospital. Ang dalawa ay kapwa nakatalaga sa Police Community Precinct 1 ng Sub-Station 1 ng Caloocan City Police.
Kasalukuyan ding ginagamot sa nasabing ospital ang driver na si Cesar Ihemplo, 49 , ng Plobe Homes II, Paradise Village, Brgy. Tonsuya, Malabon City matapos itong tamaan ng ligaw na bala sa kanyang tiyan.
Arestado naman at nahaharap sa kasong double murder at frustrated homicide ang suspek na si M/Sgt. Aristotle Calagui, 44, binata, miyembro ng Philippine Marine at residente ng Naval Street, Brgy. San Roque, Navotas City.
Sa ulat nina SPO3 Edgardo Esguerra at SPO1 Joel Montebon, kapwa may hawak ng kaso, dakong alas-7:20 ng gabi nang maganap ang insidente malapit sa Bonifacio Monument Circle (BMC) ng nasabing lungsod.
Nabatid na bago naganap ang insidente, isang Cristine Napolis, 43, kinakasama ng suspek ay humingi ng tulong kina PO1 Mondejar at PO3 Belarmino hinggil sa ginawang pambubugbog sa kanya ng sundalo.
Sinita ito ng dalawang pulis at nang dadalhin na ang mag-live-in partner sa PCP 1 ay biglang binunot ng suspek ang kanyang baril at patraydor na binaril ang dalawang pulis.
Si Ihemplo naman na nagkataong minamaneho nito ang kanyang pinapasadang jeepney sa pinangyarihan ng insidente ay nahagip ng ligaw na bala na tinamaan sa kanyang kaliwang tiyan.