Quezon City Police District anti-carnap chief sinibak

MANILA, Philippines - Tuluyan nang sinibak sa puwesto ang hepe ng Quezon City Police District-Anti Carnapping Unit habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa kontro­bersyal na “shootout o rubout” sa tatlong hinihi­nalang carjackers sa EDSA nitong nakaraang Martes ng gabi.

Ipinag-utos ni Sr. Supt. Elmo San Diego, deputy district director for administration, ang pag­tanggal sa puwesto kay Insp. Angelo Nicolas ha­bang patuloy ang kani­lang im­bes­tigasyon.

Una nang inilagay sa “confine to limits status” at dinisarmahan sina SPO1 Frederick Torres at PO3 Randy Bar­rameda na siyang mga itinu­turong walang habas na namaril sa mga biktima kahit nakahandusay na ang mga ito.

Sa panayam naman ng PSN, sinabi ni Nicolas na susundin niya ang kautu­san ng kanyang mga pi­nuno dahil sa bahagi la­mang ito ng proseso. 

Na­niniwala naman ito na maaabsuwelto siya sa anumang pananagutan sa naturang insidente dahil sa ginampanan lamang nila ang kanilang tungkulin.

Nasa proseso naman ang QCPD fact finding team na makakuha ng kopya ng “video footage” ng ABS-CBN upang ma­gamit sa imbestigasyon habang hinihintay pa rin ang resulta ng pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa mga ebidensyang naka­lap sa “crime scene”.

Iginiit naman ni San Diego na may naganap talagang engkuwentro sa pagitan ng mga suspek at ng pulisya kung saan dini­­determina lamang kung may sobrang pag­ga­mit ng puwersa ang huli. 

Nana­wagan rin na­man ito sa Commission on Human Rights na iga­lang rin naman ang kara­patang pantao ng mga pulis.

Show comments