Sa naganap na trahedya noong Valentine, kawani ng Star City kinasuhan

MANILA, Philippines - Sinampahan na kaha­pon ng kasong reckless imprudence resulting to homicide ang isang kawani ng Star City na umano’y naging pabaya sa pagla­lagay ng maayos na safety harness sa isang manana­kay ng star flyer ride na tumilapon ng may 30 ft. mula sa naturang ride at nasawi noong Pebrero 14 ng taong kasalukuyan sa Pasay City.

Lumalabas kasi sa isinagawang imbestigas­yon kapwa ng pulisya at Pasay City Engineering Office na hindi umano na­ging maayos ang gina­wang pag­ lalagay ng safety harness ni Joanna Gubat, ticket at star flyer ride che­cker ng Star City da­hilan upang tumilapon ang bik­timang si Carmelito Pena, 39, cook ng isang Tapsilu­gan sa Harrizon Plaza Mall.

Sa kabila nito, naka­ligtas naman sa kaso ang pamunuan ng Star City makaraang lumabas sa pagsusuri ng City Engineering sa pangunguna nina city engineer Edwin Javaluyas at City Councilor Lexter Ibay na walang mechanical failure at nasa maayos na kondisyon ang naturang ride nang mang­yari ang trahedya.

Batay naman sa na­unang isinumiteng ulat ni Chief Insp. Joey Goforth, deputy chief ng Station Investigation & Detective Management Section kay Senior Supt. Raul Petra­santa, hepe ng Pasay City Police, hindi umano naging maayos ang paglalagay ng safety harness ni Gubat dahil binigyan niya ng es­pasyo ang pagkakaroon ng malaking tiyan ng bik­tima kung kaya’t tumilapon ang huli habang ang sa­sakyan ay nasa itaas at na­kabaligtad ang posisyon ng mga nakasakay. Luma­bas naman sa pag­susuri nina Javaluyas na maayos ang mechanical at electrical device ng star flyer dahil kung nag­karoon ito ng abe­riya, lahat ng 10-pasahero ng sasak­yan ay tatalsik at bubukas ang kanilang lock sa upuan. (Rose Tesoro)

Show comments