MANILA, Philippines - Dalawamput-siyam na pa sahero ang sugatan makaraang tumaob ang isang pampasaherong bus dahil sa sobrang bilis ng patakbo ng driver nito sa tinaguriang “killer highway” na Commonwealth Avenue sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Isinugod sa iba’t ibang pagamutan sa lungsod ang mga biktima kung saan nagtamo ang mga ito ng sugat, bugbog sa katawan at posibleng bali ng buto sa katawan sa naturang insidente.
Habang isinusulat ito, nasa kustodiya pa rin ng pamunuan ng Nova Auto Transport ang kanilang driver na si Joel Ragay, 41 at nakatakdang ipasa sa Quezon City District Traffic Enforcement Unit para masam pahan ng kaukulang kaso.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-4:30 ng madaling-araw nang maganap ang aksidente sa kahabaan Commonwealth Avenue sa tapat ng Ever Gotesco kung saan tumaob ang bus ng Nova Auto Transport (TWL-723).
Ayon sa ilang saksi, nakikipagkarera umano sa isa pang bus si Ragay sanhi upang tumagilid ang sasakyan habang napakabilis ng takbo. Nagtalsikan naman ang mga pasahero sa loob ng naturang bus sanhi ng iba’t iba nilang pinsala sa katawan.
Depensa naman ng driver ng bus na si Ragay, isang tricycle umano ang kanyang iniwasan sanhi ng pagtagilid ng bus.
Tiniyak naman ni Edmund Parungao, operations head ng Nova Auto Transport na sasagutin ng kanilang kompanya ang lahat ng gastusin ng mga pasaherong nasaktan sa pagamutan at magsasagawa sila ng sarili nilang imbestigasyon upang mabatid ang pagkakasala ng kanilang driver. Tini yak rin nito na sumailalim naman si Ragay at maging lahat ng kanilang mga tauhan sa drug tests bago bumiyahe ang mga ito.
Dobleng kamalasan naman ang inabot ng Nova Auto Transport nang mawalan ng kontrol at araruhin naman ng kanilang “tow truck” ang isang waiting shed at isang motorsiklo sa may kanto ng Commonwealth at Regalado street bago pa mapuntahan ang tumagilid na bus para hatakin. (Danilo Garcia)