Driver kinuyog ng saksak

MANILA, Philippines - Isang 37-anyos na tricycle driver ang kinu­yog sa saksak ng walo katao matapos mapag­ka­malang kabilang siya sa kalabang grupo ng mga ito habang hinahanap niya ang kanyang anak sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Me­tro­politan Hospital ang biktimang si Rodrigo Maturino, may-asawa, residente ng Bambang St., Tondo dahil sa tinamong mga saksak sa katawan.

Inginungusong mga suspek ang walong kalalakihan na ang isa ay nakilala sa alyas na “Nognog”; Jeffrey; Carlo; Henry Pangilinan alyas “Tutong”; Jayson; Ilong; Jomar; at Sandy Bartolome na nagsitakas matapos ang insidente.

Sa ulat ni Det. David Tuazon ng Manila Police District-Homicide Section, dakong 2:10 ng madaling-araw nang maganap ang insi­dente sa Bambang St., Tondo.

Nagkaroon ng rambulan sa lugar na kina­sangkutan ng mga suspek. Nagkataong luma­bas ng kanyang bahay nang mga oras na iyon ang biktima upang hanapin at pauwiin ang kani­yang anak na si Rodrigo Jr.,17, subalit sina­lubong siya ng mga suspek at pinag­tulungang saksakin.

Ayon sa imbestigador, napagkamalang kasama ng kalabang grupo ang biktima kaya siya hinabol nang makita at pinagtulungan.

Mga residente ang sumaklolo at nagtu­lung-tulong na isugod sa ospital ang biktima. (Ludy Bermudo)

Show comments