MANILA, Philippines - Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang American psychiatrist na nagtatago sa bansa makaraang masangkot sa anomalya at pagtangay ng mahigit sa $2 million mula sa Medicare and Medicaid programs ng Estados Unidos.
Kinilala ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan ang puganteng si Jerome Howard Feldman, na nadakip sa Makati Medical Center habang sumasailalim sa medical check-up. Nang madakip ito ay nakuha din ang gamit niyang British passport na nakapangalan sa isang Michael Adams, na natuklasang isang taga Scotland, na batay sa datos ng British Embassy na namatay na noon pang 1948.
Inaasahang ipatatapon pabalik sa Estados Unidos si Feldman sa sandaling maipalabas na ng BI board of commissioners ang summary deportation order laban dito.
Nagpalabas ng mission order si Libanan laban sa nasabing dayuhan nang makatanggap ng impormasyon na tinakasan nito ang kinasasangkutang kasong felony sa US District Court, Florida.
Bukod pa rito, isang undocumented alien na si Feldman dahil paso na rin noong Oktubre 2008 ang kaniyang US passport at maituturing siyang undesirable alien sa bansa.
Sinabi pa ng US embassy na nasa wanted list na ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si Feldman simula pa noong 1999 kaugnay sa pakikipagsabwatan sa Medicare and Medicaid ng US.
Nakalap din na unang nanatili sa Thailand si Feldman ng 2 taon bago magtungo sa Pilipinas.
Natuklasang gumamit ng maraming alyas si Feldman at may gamit ding dalawang British passports na kanyang ginamit sa pagbiyahe mula Manila hanggang Singapore at pabalik uli sa bansa noong Okt. 2007. (Ludy Bermudo)