MANILA, Philippines - Isang 2-anyos na paslit ang nasawi matapos itong banlian ng kumukulong tubig ng kanyang pinsan sa loob ng kanilang bahay kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Quirino Medical Center sa Project 4, Quezon City sanhi ng tinamong 3rd degree burn sa buong katawan ang biktimang si Shanal Mikey Melancio, ng Catleya St., Area D, Camarin 11 ng nabanggit na lungsod.
Nasa pangangalaga naman ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek na si Marvin, 14, elementary student, at pansamantalang naninirahan sa bahay ng biktima ng nabanggit na lugar.
Sa ulat ni PO1 Rhostom Ocampo, may hawak ng kaso, ang insidente ay naganap sa loob ng bahay ng biktima dakong alas-10 ng umaga.
Nabatid na kasalukuyang inaalagaan ng suspek na si Marvin ang kanyang pinsan at sa hindi malamang dahilan ay kumuha ito ng kumukulong tubig at saka ibinuhos sa katawan ng biktima.
Siya namang pagdating ng tiyahin ng biktima na si Alleen Clemente ay saka lamang nadiskubre nito ang malubhang pinsalang tinamo ng kanyang pamangkin.
Agarang isinugod ni Clemente ang biktima sa nasabing pagamutan kung saan binawian naman ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Napag-alaman mula sa ilang residente ng naturang lugar, posibleng may kapansanan sa pag-iisip ang suspek dahil hindi umano normal ang ikinikilos. Patuloy pa rin ang isinagawang imbestigasyon sa insidente.