Patay agad ang isang 54-anyos na ginang makaraang mabundol ng rumaragasang sasakyan habang tumatawid ito sa kahabaan ng South Luzon Expressway, kahapon ng umaga sa Muntinlupa City.
Wala nang buhay nang idating sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Anna Marie Borja, residente ng NBP Magdaong Drive, Arciaga Compound, Brgy. Poblacion sanhi ng mga tinamong pinsala sa ulo at katawan nito.
Agad namang sumuko sa mga awtoridad ang driver ng Honda Civic na may plakang UGN-523 na si Narciso Melvin, 28, messenger ng Blk 5 Lot 9 Chicago St., Landmark Subdivision, Parian, Calamba City makaraan ang malagim na insidente.
Base sa natanggap na report ni Chief Insp. Noel Bunag, hepe ng Muntinlupa City Traffic Enforcement Unit, dakong alas-6:02 ng umaga nang maganap ang insidente sa harap ng Chowking Factory, Brgy. Poblacion sa naturang lungsod habang tahak naman patungong Laguna ang minamanehong sasakyan ni Melvin.
Nabatid na kasalukuyang tumawid umano sa naturang lansangan ang biktima mula sa naturang factory ng fast food chain patungo sa kabilang kalye nang mabundol ng rumaragasang sasakyan ng suspect.
Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon pa ang biktima at bumagsak sa mismong windshield ng sasakyan na ikinabasag ng salamin bago muling gumulong sa lansangan.
Kaagad namang nakapagresponde ang mga tauhan ng Philippine National Construction Corporation (PNCC) at Bureau of Fire Protection at sila na ang naghatid sa biktima sa Ospital ng Muntinlupa subalit patay na ang ginang nang idating sa naturang pagamutan. (Rose Tamayo-Tesoro)