Isang 15 anyos na estudyante ng isang non-formal education ang umano’y halinhinang ginahasa ng kanyang tatlong kaklase habang nag-iinuman noong Biyernes ng tanghali sa bahay ng isa sa mga suspek sa San Andres, Bukid, Maynila.
Sa panayam sa biktimang si Juliet, (di tunay na pangalan), residente ng Pedro Gil, Maynila, pinilit umano siyang bitbitin papuntang 2nd floor ng suspek na sina Daryl Kenneth Rosales, 20, ng Muñoz St.,San Andres Bukid; Mark Julian Santos,19, ng Quiapo, Maynila; at Christian Lacheco, 20, ng Oro 8, Dagonoy, San Andres Bukid, Maynila.
Dakong alas-12:00 ng tanghali umano ng maganap ang insidente habang nag-iinuman ang mga ito sa bahay ni Rosales.
Si Rosales umano ang naunang gumahasa sa biktima at sinundan pa ito ng dalawa. Subalit hindi pa umano nakuntento ang una ay dinala pa siya nito sa isang motel sa Tayuman kasama sina Santos at isa nitong nakilala lamang sa pangalang “Apple”.
Nag-check-in umano ang mga ito sa motel dakong alas-6:00 ng gabi at alas-7:00 na ng umaga kinabukasan sila lumabas .
Sumakay na lamang ang biktima sa isang pampasaherong jeepney pauwi sa kanilang bahay bago nagsumbong sa kanyang nanay na siya kaagad nagsumbong sa Manila Police District Womens Desk section kayat kaagad nadakip sina Rosales at Santos.
Nakapiit ngayon si Rosales at Santos sa MPD-Integrated Jail habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila. (Gemma Amargo-Garcia)