Isang manganganak na ginang ang na-comatose hanggang sa tuluyang mamatay at maging ang kanyang sanggol ay namatay din sa loob ng Pasay City General Hospital (PCGH), kamakailan.
Habang isinusulat ang balitang ito ay kasalukuyan pa ring nakaburol ang biktimang si Jenelyn Bael, 24, residente ng # 189 3rd st. Pildera ll, Pasay City at sanggol nito na kapwa namatay sa mismong pagamutan noong Enero 31.
Inihahanda naman ng pamilya ng nasawi ang paghaharap ng reklamo laban sa nabanggit na pagamutan dahil umano sa kapabayaan ng ilang doktor dito na nagresulta sa pagkamatay ng mag-ina.
Batay sa pahayag ni ginang Adoracion Bael, biyenan ng ginang, unang ipinasok sa naturang pagamutan si Jenelyn noong Enero 29 matapos na makaramdam ng pananakit ng tiyan sanhi ng kabuwanan nito. Pero pagdating sa PCGH ay pinayuhan na lamang umano ng isang OB-gyne ang ginang na umuwi na lamang dahil hindi pa umano ito manganganak.
Makalipas ang isang araw, muling sumakit ang tiyan ng biktima at muling dinala ito sa PCGH at dito nanatili sa pagamutan habang nagli-labor.
Habang naka-confine sa labor room ay sinabihan ng biktima ang kanyang ina na hirap na hirap na ito at kung maaari ay makiusap na lamang sa doktor na operahan (CS) na lamang siya pero tumanggi umano ang pagamutan na gawin ito at sa halip ay pinabili sila ng mga gamot upang umano’y gawing normal ang panganganak ng ginang.
Nitong nakalipas na Enero 31 ay tuluyang na-comatose ang ginang at dito na napilitan ang doktor na isinailalim na siya sa ceasarian subalit sinawing-palad na mamatay ito pati na ang sanggol sa kanyang sinapupunan.
Kaugnay nito naniniwala ang mister at biyenan ng biktima na hindi sana namatay ang mag-ina kung hindi nagpabaya ang mga doktor ng PCGH.
Bunga nito, hiniling ng mga kaanak ng biktima sa National Bureau of Investigation (NBI) na isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng mag-ina upang mabatid ang tunay na sanhi ng kamatayan ng mga ito na pinaniniwalaang dahil sa kapabayaan.