Pamilya ng MMDA executive bibigyan ng security

Bibigyan ng seguridad ng Philippine National Police (PNP) ang pamilya ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Sidewalk Clearing Operation Chief Ro­berto Esqui­vel kasunod ng pananam­bang sa be­hikulo ng opis­yal na ikina­sawi ng kan­yang driver habang suga­tan naman ang 14-anyos nitong anak na lalaki sa Brgy. San Vicente, San Pedro, Laguna noong Lunes.

Ayon kay PNP Chief Director General Jesus Verzosa, ipinag-utos na niya ang pagtatalaga ng security personnel sa pamilya Esquivel.

Nitong Lunes ay pinag­babaril ng mga kalalaki­hang armado ng M-16 rifles na nagpakilalang mga rebeldeng NPA ang sasakyan ni Esquivel sa na­sabing lugar.

Sa nasabing insidente ay nasawi ang driver ni Esquivel na si Johnny Labay habang sugatan naman si   Micko Esquivel, ang anak na lalaki ng na­sabing opisyal.

Pinaniniwalaan na­mang ang target ng mga suspect ay ang naturang opisyal ng MMDA bunga ng mahigpit nitong kru­sada sa nasabing ahen­sya.

Kaugnay nito, inatasan na rin ni Verzosa si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Leopoldo Bataoil ang PNP’s Crime Investigation and Detection Group na makipag­koor­di­nasyon sa pamilya Esqui­vel upang siyasatin ang insidente.

Naghihinala naman ang mga awtoridad na ang pag-atake ay kagagawan ng leftist urban hit squad matapos na marekober sa crime scene ang mga leaflets ng Partisano letterheads.

Nabatid na sa nasa­bing ikinalat na mga leaflets ay nagrereklamo ang grupo ng nasabing hit squad sa mahigpit na pag­papatupad sa sidewalk clearing at demolition operations ng naturang MMDA official.

Samantala binuo ka­hapon ni NCRPO chief, Director Leopoldo Bataoil ang Task Force Esquivel upang tutukan ang kaso ng pananambang sa anak ng MMDA official.

Show comments