Empleyadong tambay sa mall sisibakin

Tiniyak kahapon ni Deputy Manila Mayor Joey Silva na sususpindihin o tatanggalin sa tungkulin ang sinumang em­pleyado ng Manila City Hall na mahuhuli sa loob at paligid ng isang shopping mall sa oras ng trabaho.

Si Silva rin ang tumatayong city chief personnel at naunang inatasan ni Manila Mayor Alfredo Lim na man­manan ang mga empleyadong nagbababad sa shopping mall na katabi ng city hall.           

Ayon kay Silva, pinatututukan ni Lim sa kanya ang per­­for­mance ng bawat empleyado ng lungsod upang ma­laman kung sino ang mga ‘pasaway’ at kilalanin naman ang mga kawaning may dedikasyon at kahusayan sa trabaho.

Nabatid na hindi umano ikinatuwa ng alkalde ang pag­tawag sa isang mall sa tabi ng Manila City Hall bilang “Manila City hall annex” o extension office. Ito naman ay dahil sa napakaraming empleyado ng pamahalaang lungsod ang nakikita sa loob ng mall kahit na sa oras ng trabaho.

Ito rin ang siyang nagtulak upang bigyang direktiba ni Lim si Silva na i-monitor ang lahat ng kawani na nawawala sa oras ng trabaho at nakikita sa loob ng mall.

“Walang nagbabawal sa kahit na sinong empleyado ng Manila City hall na magtungo sa kahit na anong lugar na naisin niya pero hindi sa oras ng kaniyang trabaho dahil pandaraya na ito sa gobyerno,” pahayag ni Silva.

Ayon pa kay Silva, noong unang linggo pa ng Enero nagsimula ang lihim na monitoring ng mga kawaning madalas nagbababad sa mall kahit na oras ng trabaho at kung sino man ito ay kaagad na bibigyan ng memo ng kani­yang administrative officer upang pagpaliwanagin.

Sakaling balido naman ang dahilan nito ay walang dahilan upang ito ay suspendehin at sibakin sa trabaho. Pero parurusahan anya ang mapapatunayang tiwali. (Doris Franche)

Show comments