Muli na namang umiskor ang mga tauhan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng Manila International Airport Authority matapos na mahuli sa akto ang dalawang Airport police na nangongotong sa isang papaalis na pasahero sa isinasagawang entrapment operation sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport kahapon ng umaga.
Ayon kay Col. Rene Gonzales, hepe ng IID na nasa kanilang kostudiya na at sumasailalim sa pagsisiyasat ang dalawang airport police na hindi muna pinangalanan matapos na matiklo na nangingikil sa isang pasahero patungong Singapore.
Kasunod nito, nanawagan si MIAA General Manager Al Cusi sa publiko na i-report sa kanyang tanggapan o maaaring mag-text sa 0917-TEXNAIA ang anumang uri ng reklamo sa mga airport employees na nangongotong kapalit ng kanilang serbisyo sa pagpoproseso ng mga papers ng mga pasahero.
Base sa report, isang babaeng pasahero ang nagreklamo sa MIAA matapos na pigiling makalabas ng bansa patungong Singapore ng mga ahente ng Bureau og Immigration noong Enero 26 dahil sa kakulangan ng supporting documents patungong Singapore. Matapos ay nilapitan siya ng dalawang lalaki na kapwa nakasuot ng jacket at sinabihan na tutulungan siya upang maiayos ang kanyang pag-alis at ma-iskedyul uli ang flight nito.
Bago umalis sa NAIA ang pasahero ay ibinigay ng dalawang lalaki na napag-alamang kapwa miyembro ng Airport Police ang kanilang cellphone numbers at tinuruan pa siyang ire-book ang ticket nito sa kasunod na flight.
Nang ma-book kahapon (January 28) at naitakda ang alis nito ng alas-6:25 ng umaga, ipinagbigay-alam ng pasahero sa MIAA ang naturang transaksyon nito sa dalawang di-kilalang lalaki.
Dahil dito, isinagawa ang entrapment operation ng IID at binigyan ng marked money ang biktima mula sa halagang hinihingi ng dalawang lalaki sa kanya. Nadakip ng IID operatives ang isa sa dalawang airport police habang tinatanggap nito ang nasabing marked money.
Nang beripikahin ng MIAA kung sino ang nagmamay-ari ng dalawang contact numbers ng dalawang lalaki ay napag-alamang mula sa dalawang miyembro ng Airport Police Department. (Ellen Fernando)