Isang babaeng pasahero ang nagwala matapos na hindi payagan ng mga Immigration agents sa Ninoy Aquino Inter national Airport (NAIA) na makalabas ng bansa dahil sa kawalan ng kakayahang manirahan ng isang buwan sa Singapore kahapon.
Halos hindi na maawat at makontrol ang bibig sa kakatalak at kakamura ng pasahero na kinilalang si Ma. Theresa Alfuertes, 29, tubong Iriga City at kasalukuyang naninirahan sa Baliuag, Bulacan, nang malaman nitong hindi na siya makakaalis patungong Singapore.
“Mga p—— kayo, ano bang kailangan niyo. Marami akong pera, kaya ko kayong patayin,” sambit ng nanggagalaiting si Alfuertes sa mga immigration officers na nag-off load sa kanya.
Batay sa report, nakatakda sanang umalis si Alfuertes lulan ng Philippine Airlines flight PR-503 pero nang usisain nina immigration officers Lourdes Bautista at Sharon Roxas sa kawalan nito ng mga supporting document hinggil sa pagbabakasyon nito sa Singapore ay nagsimula nang mag-init ng ulo at magtaas ng boses. Dahil dito, pinayuhan ng dalawang immigration officers si Alfuertes na humingi muna ng invitation mula sa kanyang fiancé sa Singapore bago siya payagang makaalis subalit sa halip na makiusap ay bigla na lamang umanong sumigaw at pinagmumura ang mga taong kaharap nito.
Nabatid na humingi ng assistance sa tanggapan ni retired Col. Rene Gonzales ng Airport Police Department-Intelligence and Investigation Division ang mga immigration officers at inatasan si AP/Cpl. Jaime Fernandez na patigilin sa pagwawala ang nasabing pasahero. (Ellen Fernando)