Obrerong nanunog, kinuyog, binugbog

Bagsak sa kulungan ang isang obrero ma­ka­ra­ang kuyugin at bug­bugin ito ng taumbayan dahil sa ginawang panu­nunog ng una sa bahay ng kanyang nakaaway na kasamahan sa trabaho sa Caloocan City, iniulat kahapon.

Kasalukuyang nakapiit sa Caloocan-PNP deten­tion cell at nahaharap sa kasong arson si Jesus Aransit, 36, ng Block 17, Phase 1, Package 2, Bagong Silang ng nabang­git na lungsod.

Pinalad namang naka­ligtas sa tiyak na kapaha­makan ang mga biktimang sina Diego Barangan, 32, asawa nitong si Rowena, 30 at mga anak na anim at isang taong gulang na bata na pawang mga naninira­han sa Block 19, Phase 1, Bagong Silang, Caloocan City.

Batay sa ulat ng Ca­loocan City Fire Depart­ment, dakong alas-11 ng gabi noong Sabado nang magtungo ang suspect sa bahay ng kanyang kasa­ma­hang si Barangan.

Bigla umanong binu­hu­­san ng suspect ng dalang gasolina ang bahay ni Ba­rangan at ma­bilis na sinin­dihan dahilan upang agad na kumalat ang apoy kung saan noon ay natutulog na ang pamilya ng biktima.

Isa naman sa mga kapitbahay ni Barangan ang nakakita sa ginawa ng suspect dahilan upang humingi ito ng tulong sa mga kapitbahay kung saan agad namang na­sawata ang pagkalat ng apoy na nagresulta sa pagkaka­sagip sa pamilya ni Ba­rangan.

Hindi naman naka­ligtas ang suspect sa galit ng taumbayan na baga­ma’t tinangka nitong ma­ka­takas ay nagawa pa ring ma­sukol at bugbugin ng mga huli bago dalhin sa him­pilan ng pulisya. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments