Libu-libong piraso ng piniratang DVDs at VCDs na tinatayang nagkakahalaga ng milyun-milyon ang nakumpiska matapos na masabat ang isang shipment sa isinagawang pagsalakay ng pinagsanib na puwersa ng Optical Media Board (OMB), Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), Naval Intelligence Security Group-NCR (NISG-NCR) at Intelligence and Investigation Department ng Manila International Airport Authority (IID-MIAA) sa bisinidad ng Ninoy Aquino International Airport kahapon.
Kinilala ni MIAA General Manager Al Cusi ang isa sa apat na naarestong suspect na may dala ng shipment na si Alimudin Imam , 31 , tubong Poblacion Lembatan, Marawi City.
Tatlo namang kasamahan ni Imam ang kasalukuyang tinutugis matapos na makatakas sa naganap na sandaling habulan.
Ayon kay Cusi, nakumpiska ay ang may 40 kahon na may lamang libu-libong pekeng DVDs at VCDs na may naka-label na consignee at nakasakay sa isang Toyota Tamaraw FX na may plakang UBU- 266. Nakatakdang i-deliver sa Visayas at Mindanao ang mga pirated DVDs at VCDs na umano’y nagmula sa Quaipo, Maynila.
Ang nasabing operasyon ng pinagsanib na operatiba ay base sa isang buwang surveillance at monitoring sa pakikipagtulungan ng mga nasabing ahensya.
Base sa intelligence report, ang grupo ni Imam ay nag-ooperate mula alas-11 ng gabi ng Lunes hanggang Biyernes.
Ang mastermind sa sindikato na kinilala lamang sa alyas “Big Boss” ay naglalagay umano sa mga tiwaling cargo personnel na nakatalaga sa gate upang mapabilis ang proseso ng pag-deliver sa mga pirated DVDs at VCDs pasakay sa eroplano patungong Visayas at Mindanao.