Nagnakaw ng halik kalaboso

Bagsak sa kulungan ang isang binata matapos halikan at yakapin ang isang dalagitang kalugar nito kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Nahaharap sa kasong acts of lascivious­ness in relation to child abuse si Ariel Felibrico, 24, ng Serrano St., Dalandanan ng nabanggit na lungsod.

Sinabi ng biktimang itinago sa pangalang “Sussie”, 16-anyos, na dakong alas-8:30 ng gabi nang mangyari ang insidente habang naglalakad siya sa MacArthur Highway, Dalandanan. Sumalubong kay Susie si Felibrico at tinanong kung nasaan ang pinsan niyang dalagitang si Edgeline.

Nang sagutin umano ng biktima ang suspek na hindi niya alam ay labis umano itong nagalit hanggang sa hawakan siya nito sa kaniyang braso, niyakap, pinaliguan ng halik at hinupuan sa maseselang parte ng katawan na naging dahilan upang magsisigaw ang dalagita. Agad namang nagtatakbo ang suspek dahil sa takot habang umuwi naman ang biktima at nagsumbong sa kanyang lola dahilan upang ma­aresto ng pulisya ang una. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments