Nagbigay na ng palugit ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pagsapit ng Enero 2010 lahat ng taxi units sa bansa ay kailangang may nakalagay ng receipt-issuing machines.
Ang hakbang ay inanunsiyo ni LTFRB Chairman Thompson Lantion makaraang ipagpaliban hanggang Hulyo ang implementasyon ng kautusan para sa paglalagay ng makina na mag-iisyu ng resibo para sa mga pasahero ng taxi.
Bukod sa deferment, pinapayagan din ng LTFRB ang Association of Taxi Operators of Metro Manila (ATOMM) na mag-isyu ng manual receipts simula sa Hulyo hanggang Disyembre ng taong ito.
Una rito, giniit ng ATOMM na malamang na hindi muna sila makapaglagay ng makina sa Hulyo dahil sa kawalan ng pondong magagastos dito na aabutin ng P20,000 kada isang unit.
Sa panig ng Philippine National Taxi Operators Association (PNTOA), sinabi ni PNTOA Bong Suntay na tanggap nila ang hakbang na ito ng LTFRB na malagyan ng electronic ticketing machines ang kanilang mga taxi bago pa man sumapit ang buwan ng Hulyo. (Angie dela Cruz)