Holdaper kritikal sa NBI agent

Bantay-sarado ang isa sa tatlong holdaper na kritikal nga­yon sa Ospital ng Maynila ma­tapos makipagbarilan sa isang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), matapos ma­aktuhang nanghoholdap, sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Manila Police District-Station 9 chief, P/Supt. Ferdi­nand Quirante ang sus­pect na si Gary Rodrigo, 30, ng Tondo, Maynila na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan. Tinutugis pa ang dala­wang hindi nakilalang kasama­han sa panghoholdap ni Ro­drigo, na tumakas sakay ng isang motorsiklo.

Nakilala ang nagpaka­bayaning si Joselito Guillen, na­katalaga sa NBI-Special Investi­gation Unit, na nakipagbarilan sa mga suspect.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:15 ng hapon nang ma­ganap ang insidente sa harapan ng Ospital ng Maynila sa Pres. Quirino Ave., Malate, Maynila.

Nabatid na sakay ng isang taxi na may plakang PXE-163 na mina­maneho ni Manuel dela Fuente ang mga biktimang sina Nelson Camama, 53, at Marilyn Ortigas, 55, ng Baclaran, Para­ñaque City nang huminto sila sa tapat ng nabatid na ospital dahil sa hindi gumagalaw na daloy ng trapiko. Bigla umanong diniki­tan ang taxi ng isang pulang motorsiklo (CF-1240), kung saan magkaka-angkas umano ang tatlong suspect.

Isa sa suspect na may hawak na patalim ang lumapit sa taxi at binuksan umano ang pintuan nito sa kaliwang bahagi at tinang­kang agawin ang bag ni Ortigas. Dahil umalma ang bik­tima, si Rodrigo na kargado ng 9 mm. na baril ang lumapit at tinutukan ang dalawang pa­sa­hero kaya napilitang ibigay ang gintong kwintas na nagka­ka­halaga ng P30-libo.

Dahil sa komosyon, agad namang rumesponde si Guillen na nakasunod umano ang mina­ manehong Isuzu Hi-Lander (WRX-546) sa taxi. Nang pag­baba sa sasakyan upang rumes­ponde ay agad umanong pinu­tukan siya ni Rodrigo bago ma­ka­lapit kaya nagkaroon ng pa­litan ng putok hanggang sa ta­maan ang suspect. Nang makita ng dalawang kasamahan na duguan at tinamaan si Rodrigo ay iniwan ito at mabilis na pina­sibad ang motorsiklo. Sa beri­pikasyon sa gamit na motorsiklo ng mga suspect sa Land Trans­portation Office (LTO), lumabas na naka-alarma ang plaka nito.

Inihahanda na ang kasong robbery-holdup laban sa mga suspect. (Ludy Bermudo)

Show comments