Revenue collections agents binalaan sa pekeng resibo

Bilang bahagi ng pi­naigting na koleksyon ng buwis ng pamahalaang lungsod, binalaan kaha­pon ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echi­verri ang mga nagsi­silbing revenue collections agent laban sa paggamit ng mga pinekeng resibo.

Ayon kay Echiverri, sinu­mang empleyado ng lokal na pamahalaan na madidiskubreng pinagka­ka­kitaan ng personal ang paniningil ng buwis ay pa­pa­tawan ng mabigat na pa­rusa at patung-patong na kaso.

Aniya, ang mga kawani ng pamahalaan, lalo na ang mga nakatalaga bilang teller at kolektor, ay kina­kailangang pagbutihin ang kanilang serbisyo upang maipadama sa mga taxpayer na sila’y ligtas at komportable. Bukas din ang kaniyang tanggapan para sa anumang sum­bong o suhestiyon na may kinalaman sa proseso ng pagkolekta ng buwis.

Kinakailangan din aniyang palaging nakangiti at mahusay na serbisyo mula sa mga kawani sa mga frontline desk kasa­bay nito nang pagkilala sa bawat taxpayer bilang very important person o VIP.

Kaugnay nito, lalo na­mang pinadali ng lungsod ang proseso sa pagba­bayad ng buwis at mas pinabilis ang bawat tran­saksyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga business permit renewal express counters at one-stop shops sa harap ng city hall upang mapagbuti ang tax efficiency at bawasan ang kurapsyon. (Lordeth Bonilla)

Show comments