Magkakaroon na ng bagong ospital at eskuwelahan ang Lungsod ng Valenzuela matapos maipasa sa Sangguniang Panglungsod ang isang ordinansa na nagbibigay kapangyarihan kay Mayor Sherwin “Win” Gatchalian na maghain ng “expropriation proceedings” ang pamahalaang lungsod sa ilang lupain na pag-aari ng ilang pribadong residente.
Ayon sa may-akda ng ordinansa na si Valenzuela City Liga ng mga Barangay President, Councilor Alvin Feliciano, kabilang sa sakop ng expropriation proceedings na pagtatayuan ng ospital ay ang 40 at 52 square meters land na pag-aari ng Geospecialist, Inc. at ang 1,997 na lupa na pag-aari naman ng isang nagngangalang Raymond Arenas, kapwa matatagpuan sa Barangay Punturin ng nasabing lungsod.
Pagtatayuan naman ng bagong high school buildings ang 2,521 square meters na lupa na matatagpuan sa Barangay Malinta na kung saan ay pakikinabangan ito ng mga estudiyante sa naturang lugar. Sinabi ni Feliciano na sa pamamagitan ng “expropriation proceedings” para sa mga nabanggit na lupa ay mapapadali na ang pagbili ng lokal na pamahalaan ng mga naturang pag-aari upang mapagtayuan ng mga nakalinyang proyekto.
Pinagbatayan ni Feliciano sa nasabing ordinansa ang nakasaad sa Republic Act 7160 o mas kilala sa tawag na “eminent domain” kung saan sinasabi na may karapatan ang lokal na pamahalaan na bilhin ang mga lupa na madadaanan o tatayuan ng mga infrastructure projects ng gobyerno. Umaasa rin ang konsehal na makikipagtulungan ang mga may-ari ng nabanggit na lupa dahil maraming mga residente ang makikinabang dito kapag naituloy na ang mga nakalinyang proyekto. (Lordeth Bonilla)