Manager ng security agency, 2 pa timbog sa gunrunning

Bumagsak sa pinag­sanib na elemento ng PNP- Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ang manager ng isang security agency, isang ti­waling pulis at isang dating sundalo na sang­kot sa gunrunning syndicates sa isinagawang operas­yon sa Quezon City.

Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Raul Castañeda ang mga nasakoteng suspect na sina Gerardo Carcellar, 41, General Manager ng EC Professional Security ng Anti­polo City; ret. Army personnel Honesimo Hipe, 44; at SPO1 Gil Ma­­nagbanag, 43.

Isang Fernando Lo­pez Toledo, 42, ng Plea­sant Hills Subdivision, Caloocan City at tatlong iba pa ang inim­bitahan ng PNP-CIDG para ma­isa­ilalim sa ma­susing im­bes­ti­gasyon.

Ayon kay Castañeda ang mga suspect ay nasakote sa isina­ga­wang buy-bust operations sa #1025 Yen Street, North Fairview Subdivision, Quezon City bandang alas-6 ng gabi nitong na­kalipas na linggo.

Bago ito ay naka­tanggap ng impormas­yon ang mga awtoridad hinggil sa pagkaka­sang­kot ng mga suspect sa illegal na pag­bebenta ng mga armas.

Nang makumpir­mang positibo ang ulat ay agad na nagsagawa ng buy-bust operations ang mga awto­ridad na nagresulta sa pag­kaka­bitag sa mga ito.

Nasamsam mula sa mga suspect ang limang unit ng M16 armalite firles, isang unit ng AR 15 rifle, limang piraso ng ma­ikling magazine para sa cal 5.56, isang piraso ng ma­gazine para sa M16 rifle at 19 piraso ng bala ng cal 5.56 rifle. (Joy Cantos)

Show comments