Magkayakap na natusta ang isang mag-ama nang masunog ang kanilang inuupahang apartment sa Binondo Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang mga nasawi na sina Jimmy Yu Sr., 40, at anak nitong si Jimmy Yu Jr., 11, ng #417 M Delos Santos St., Binondo na napag-alamang nabagsakan ng nagliliyab na bahagi ng kanilang bahay, habang papalabas.
Nasugatan naman sa naganap na sunog ang misis ni Jimmy na si Arlene Yu, 30; Julio Yu, kapatid ni Jimmy, 42; at fire volunteer na si James Gan ng San Nicolas Central Fire Volunteer na kasalukuyang ginagamot sa Metropolitan Hospital.
Sa ulat ni Arson Investigator SFO2 Emmanuel Gazpar, ng Bureau of Fire Management, dakong 1:54 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng dalawang gusali ng apartment na inuupahan ng pamilya Yu, na pag-aari ng isang Tony Yu.
Mabilis umano ang pagkalat ng apoy dahil sa halos yari sa kahoy ang apartment na mabilis ding kumalat sa iba pang kalapit na kabahayan.
Kabilang sa nadamay ang Go Kim Building at Oxford Warehouse sa Juan de Moriones St, Binondo.
Nabatid na una nang nailibas ng mag-asawang Yu ang tatlo nilang anak kabilang ang sanggol at binalikan umano ng kanyang mister ang 11-anyos na anak na lalaki na naiwan sa apartment. Subalit nasa hagdanan na umano ang mag-ama nang mabagsakan ng nagliliyab na kahoy at tuluyan nang na-trap sa loob ng nasusunog na bahay.
Idineklarang fire-out ang sunog dakong alas-8:29 ng umaga na umabot sa ika-5 alarma. Tinatayang P1 milyon ang halaga ng ari-arian ang napinsala, habang nasa 150 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy kung ano ang sanhi ng sunog, na sa inisyal na pagtaya ay dulot umano ng overloading sa kuryente sa hinalang dulot ng mga naka-jumper o illegal connections sa lugar.