Isang 16-anyos na lalaki ang umano’y nagpakamatay matapos na laslasin ang kanyang pulso sa loob ng sementeryo at mahulog sa may 60 talampakang taas ng isang rebulto kahapon ng madaling-araw sa Marikina City.
Ayon kay Supt. Sotero Ramos Jr., hepe ng Marikina police, inaalam pa nila kung may foul play na naganap sa umano’y pagpapakamatay ng biktimang si Aaron Ramos Tolentino, residente ng Honradez St. Sampaloc, Maynila. Patay na ito nang matagpuan sa loob ng Loyola Memorial Park dakong alas-5 ng madaling-araw.
Lumalabas sa imbestigasyon na nakarinig ng kalabog si Dominador Racorba, 44, maintenance ng nasabing memorial park buhat sa “The Last Supper Shrine” kaya agad niya itong pinuntahan at laking gulat niya nang makita ang duguang biktima sa paanan ng rebulto.
Agad na rumisponde ang pulisya sa insidente at sa kanilang ginawang imbestigasyon ay lumalabas na may laslas sa kaliwang pulso ang biktima bukod pa sa tinamong pinsala sa pagkakahulog sa mataas na rebulto, habang nakuha katabi ng bangkay nito ang isang kitchen knife na umano’y ginamit sa pagpapakamatay.
Teorya ng pulisya na posible umanong umakyat muna sa mataas na rebulto ang biktima bago nito nilaslas ang kanyang pulso at tuluyang nahulog dito.
Isinasailalim naman sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang mabatid kung may foul play na naganap dito habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon para mabatid kung ano ang dahilan ng nasabing suicide.