Pinuri kahapon ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa pag-apruba nito sa inihaing petisyon ng lungsod para magkaroon ng isa pang istasyon ng tren sa EDSA-Bagong Barrio bilang bahagi ng P6.322-billion Light Rail Transit (LRT) North Extension project o ang LRT-MRT Loop.
Ayon kay Echiverri, napapanahon ang pagsang-ayon ni Pangulong Arroyo sa kahilingan ng lungsod upang magkaroon ng karagdagang istasyon dahil ito ang nakikitang pinakamabisang paraan ng mga taga-CAMANAVA (Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela) para masolusyunan ang problema sa transportasyon at matinding overcrowding ng LRT-Monumento Central station.
“Lubos kaming natutuwa at sinang-ayunan ng Pangulo ang nagkakaisang panawagan ng lungsod, ng parehong pampubliko at pribadong sektor, lalo na ang 188 sama-samang barangayan sa pangunguna ni Liga ng mga Barangay president Ricojudge Echiverri,” aniya.
Panalo rito ang lahat ng commuters, higit ang mga taga-Bagong Barrio na itinuturing na isang Priority Development Area para sa mga proyekto at zonal improvement programs ng pamahalaang nasyunal, dagdag ng alkalde.
Sa pinakahuling kwenta ng Light Rail Transit Authority (LRTA), tinatayang aabot sa P777 milyon ang halaga ng isang bagong LRT station.
Maso-solusyunan ng bagong istasyon ng LRT ang labis na pagsisiksikan ng mga pasahero sa Monumento station kasabay ang pag-aangat sa public mass transportation system na ito na environment-friendly pa, pahayag ng alkalde.