Buhay ang naging kapalit ng serbisyo ng isang 57-anyos na barangay tanod na rumesponde sa holdapan subalit nabaril at napatay, sa Tondo, Maynila kamakalawa ng hapon.
Hindi na naisalba ng mga doktor ng Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Bonifacio Odon, ng Happy Land, Tondo bunga ng tinamong bala sa dibdib.
Arestado naman ang suspect na si Brynner Rodriguez, alyas “Bryan”, 23, binata, ng Bldg 11, Unit 49, Temporary Housing, Tondo.
Sa ulat ni Det. Joseph Kabigting ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-4:30 kamakalawa ng hapon nang maganap ang insidente sa panulukan ng Road 10 at Capulong Sts., Tondo.
Nabatid na habang nagpapatrulya ang biktima ay na aktuhan nito ang ginagawang panghoholdap ng suspect sa isang pampasaherong dyip kaya nagtangka itong arestuhin ang suspect. Dahil sa nakitang armado ang suspect ay nagtago pa umano sa poste ang biktima at nang papalapit ito sa nasabing dyip ay agad siyang pinutukan ng suspect gamit ang kalibre .38 baril.
Mabilis namang sumaklolo ang mga barangay officials sa lugar na ikinadakip ng suspect na nagtangkang tumakas.